Sinimulan na ng Criminal Investigation and Detection Group-Central Visayas (CIDG-7) ang pag-iimbestiga sa negosyanteng si Peter Lim.
Matatandaang dati nang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lim bilang isa sa mga pinakamalalaking drug lords sa bansa.
Ayon kay CIDG-7 director Supt. Royina Garma, nagsasagawa na sila ng complete background at financial investigations kay Lim alinsunod sa utos ng mga nakatataas sa kanila.
Inaasahang may ipapadala nang subpoena kay Lim sa linggong ito para atasan siyang personal na humarap sa Department of Justice (DOJ) na nangunguna na sa imbestigasyon laban sa kaniya.
Oras na makahanap ng sapat na ebidensya laban kay Lim, sasampahan na siya ng kaso at maari ding ipapa-freeze ang kaniyang mga pera at ari-arian.
Samantala, tiniyak naman ng abogado ni Lim na si Atty. Pedro Leslie Salva na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon sa kaniyang kliyente dahil wala naman silang itinatago.
Ani Salva, isang ordinaryong negosyante lamang si Lim na walang kinalaman sa kalakalan ng iligal na droga.
Gayunman, susundin pa rin nila kung anong hihilingin ng mga otoridad dahil inirerespeto nila ang mga ito.
Bukod kay Lim, iniimbestigahan na rin ang self-confessed drug lord na si Franz Sabalone, retired general at ngayo’y Daanbantayan Mayor Vicente Loot, dating Cebu City Mayor Michael Rama, Supt. Rex Derilo, Supt. George Ylanan at iba pang mga opisyal ng pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.