Publiko, binigyang-babala sa mga smuggled beauty products
Binalaan ng isang environmental group ang publiko kaugnay sa pagbili at paggamit ng mga smuggled beauty products na kontaminado ng mataas na lebel ng Mercury.
Ayon kay EcoWaste Coalition coordinator Thony Dizon, 10 imported facial whitening at freckle removing creams mula sa China, Indonesia, Malaysia, Pakistan at Taiwan ang napag-alamang mas mataas sa limit na 1 part per million (ppm) ang Mercury-content nito.
Sa kanilang surveillance, sinuri ng grupo ang 13 produkto mula sa Divisoria at Quiapo sa Maynila gamit ang x-ray fluorescent (XRF) device mula July 22 hanggang 23 na naglalaro ang presyo sa halagang P30 hanggang P300.
Kabilang sa mga positibong kontaminadong produkto mula sa Taiwan ang mga sumusunod:
- Yu Dan Tang Ginseng
- Green Cucumber 10-Day Specific Eliminating Freckle Spot
- Double Whitening Sun Block Cream
- Parley Herbal Beauty Cream
- Collagen Plus Vit. E Day & Night Cream
- Golden Pearl Beauty Cream
- Erna Whitening Cream
- Jiaoli Miraculous Cream & Spot AB Set
- Jiaoli 7-Day Specific Eliminating Freckle AB Set, at
- Temulawak Day & Night Beauty Whitening Cream
Samantala, negatibo naman sa Mercury ang:
- Aichun Beauty Carrot Natural Whitening Anti-Spot Cream
- Aichun Beauty Honey Natural Whitening Anti-Spot Cream, at
- White Glow Whitening Day & Night Cream.
Gayunman, lumalabas na illegal pa rin aniya ang 3 produkto dahil sa kakulangan ng Cosmetic Product Notifications mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Dahil dito, hinikayat ni Dizon ang administrasyong Duterte na pagtibayin ang Minamata Convention on Mercury na pinirmahan noong 2013.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.