Pagpatay kay Mayor Parojinog, simula na? sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Inquirer file photo

Sabay-sabay ang raid ng PNP-CIDG sa mga bahay at farms nina Ozamis Mayor Reynaldo Parojinog kahapon ng umaga. 14 ang kumpirmadong namatay kasama ang apat na miyembro ng baranggay peacekeeping action teams.

Patay si Mayor Reynaldo, ang asawa niyang si Susan at kapatid na Board member na si Octavio Parojinog samantalang arestado naman si Vice Mayor Nova Parojinog-Echavez na sinasabing may relasyon sa Bilibid drug lord na si Herbert Golangco.

Ito ang ikalawang alkaldeng akusado sa droga  na napatay na ang una ay si Albuera Mayor Rolando Espinosa. Bukod pa siyempre sa mga  arestadong dating Marawi mayor Fahad Salic  at ex Medellin Cebu Mayor Richard Ramirez. Sa Ilocos norte, meron daw tatlong mayor doon na sangkot sa illegal drugs sabi ni Gov. Imee Marcos, samantalang sa Iloilo na umano’y most shabulized ay may apat na alkaldeng sangkot sa “illegal drugs”.

Ang pagkakapatay sa mga Parojinog  na naunang isinangkot sa robbery holdup, kidnap at iba pa ay gatilyo ng debate sa mga pro-Duterte at oposisyon lalo na ang  mga Commission on Human rights. Sasabihin ng mga naniniwala kay Duterte, dapat lang. Sasabihin naman ng iba, bakit hindi muna kasuhan sa korte kung sangkot talaga sa droga bago sila pinatay?  Tapos papasok naman ang Commission on Human Rights para magkaroon ng sariling imbestigasyon. Sa totoo lang, wala akong problema sa CHR maliban sa pag-appoint kay Commissioner Chito Gascon, na dating director general ng Liberal Party at Political Director ng kampanya ni Pnoy noong 2010.  Pero iba at mahabang kwentuhan iyan.

Siyempre, hindi papadaig diyan ang mga Senador, partikular yung mga sinasabing “defenders” of human rights kasama na si VP Leni Robredo. Malamang magkaroon na naman ng Senate Investigation dito  lalot  nalagasan din ang mga otoridad ng apat na Baranggay peacekeeping teams.

Nitong Enero, sabi ni Presidente “Tatawagin ko ‘yung mga mayor, i-lock ko, kami-kami lang. Sabihin ko talaga, ‘Ganoon kakapal ‘yung ‘pinakita ko sa inyo. Hanapin mo ‘yung pangalan mo diyan, mayor. Pag nandiyan pangalan mo, may problema ka,’

Sa panahong gusto ng tao ang kampanya sa  “safer communities” o ligtas na komunidad, hinahanap nila ang paglipol sa mga bigtime drug lords, narcopoliticians, lalo na kung ang mga opisyal . Sa final list ng Pangulo, meron silang binanggit na 23 mayors na kumpirmadong sangkot sa droga .

Simula na ba ng pagpatay sa mga narcopoliticians?  Pero maraming kwestyon. Noong napatay si Albuera mayor Rolando Espinosa ang hepe ng pulis doon ay si Chief Inspector Jovie Espenido.   Ngayong napatay ang  mga Parojinog, si Espinido ang kasalukuyang Ozamis city police director.  Pareho din, PNP CIDG Region 10 ang sumalakay sa mga Parojinog hawak ang ibat ibang search warrants tulad ng grupo ni Supt Marcos sa Albuera.  Nagkataon lang ba?

Wala bang balak ang Duterte administration na sampahan ng kasong illegal drugs ang mga  pinagbibintangang alkalde at  PNP-CIDG na ang tratrabaho?

Sa ngayon, kinakabahang sigurado ang mga narco-politicians sa buong bansa lalong lalo na ang mga nasa Mindanao na ngayo’y nasa batas militar.  Susunod na kaya ang mga alkalde sa mga lalawigan ng Iloilo, Cebu, Ilocos Norte, Samar, Calabarzon   at dito sa Metro Manila?

Ang tagal naman!

Read more...