Ginang Alvarez: Hindi ko alam na miyembro na ng Manobo tribe ang mister ko

Photo: Radyo Inquirer

Binasag na ni Ginang Emelita Apostol Alvarez ang kanyang katahimikan tungkol sa estado ng kanilang relasyon ng kanyang asawa na si House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa isang panayam, sinabi ni Emelita na tuluyang iniwan ng House Speaker ang kanilang tahanan nang siya’y magsimula sa kanyang posisyon bilang pinuno ng Kamara noong nakalipas na taon.

Alam umano ng ginang ang pakikipag-relasyon ni Alvarez sa ibang babae pero mas pinili niyang manahimik sa isyu.

Sa loob ng kanilang mahigit sa 30 taong pagsasama ay marami na umano silang pagsubok na pinagdaanan pero noong nakalipas na taon ang pinakamatindi makaraan siyang abandonahin ng kanyang mister sa kanilang tahanan.

Nilinaw rin ni Emelita na hindi niya alam na nagka-convert sa Manobo tribe ang House leader dahil noong sila’y nagsasama pa ay isa naman itong Katoliko.

Simula noong sila’y ikasal noong 1988 sa pamamagitan ng isang civil ceremony at Katoliko na ang kanyang mister.

Magugunitang noong nakalipas na taon ay ipinag-utos ni Speaker Alvarez na alisin sa loob ng Batasan Complex ang tanggapan ng Congressional Spouses’ Association kung saan ang kanyang misis ang namumuno dito.

Lumutang rin ang pagkakaroon ng karelasyon ni Alvarez nang ito ay kanyang mismong aminin nang magkasoon ng gusot ang kanilang pagkakaibigan ni Davao Del Norte Rep. Tonyboy Floreindo.

Sa kanyang panig, sinabi ni Ginang Alvarez na walang siyang balak na magfile ng kaso laban sa kanyang mister dahil mas gusto niya ang tahimik na buhay.

Nang hingin ng opinyon kaugnay sa isinusulong ng House Speaker na panukalang batas para sa dissolution of marriage, sinabi ng ginang na mas marami pang mga batas ang dapat na atupagin ng Kamara.

Sa nakalipas na SONA ng pangulo noong Lunes ay hindi na dumalo si Ginang Emelita bagkus ang kanyang anak na si Finance Usec. Paola Alvarez na lamang ang kumatawan sa kanya sa nasabing pagtitipon sa Batasan Complex.

Read more...