Ayon sa pinakahuling press briefing ng PAG-ASA ngayong alas-singko ng umaga, namataan angĀ mata ng Bagyong Gorio sa layong 215 kilometro Hilagang Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang hanging aabot sa 145 kilometro kada oras at may pagbugsong aabot sa 180 kilometro kada oras.
Kumikilos ang Bagyong Gorio pa- Hilagang Kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras at inaasahang babayuhin ang Taiwan ngayong araw.
Dahil nasa karagatan, lumakas pa at maari pang lumakas ang bagyo ayon sa PAG-ASA.
Nakataas pa rin ang Signal no. 2 sa Batanes at Signal no. 1 sa Babuyan Group of Islands.
Patuloy na hahatakin ng Bagyong Gorio ang Southwest monsoon o Habagat na magpapaulan sa rehiyon ng Ilocos, Bataan, Zambales at Cordillera.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lalawigan sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, maulap na kalangitan na may mahina at katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo bukas ng umaga o bago magtanghali.