DOTr Sec. Tugade, nagpaliwanag sa paglipat ng kanilang opisina sa Pampanga
Pinabulaanan ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang mga alegasyon na binalewala niya ang kapakanan ng kanilang mga empleyado sa paglipat ng kanilang opisina sa Clark, Pampanga.
Sa pagharap niya kanina sa kanyang mga empleyado, iginiit ni Tugade na hindi niya ugali na pabayaan ang kanyang mga tao, lalo na ang kanilang kapakanan at kalusugan.
Hiningi nito ang pagtitiwala sa kanya ng kanyang mga tauhan sabay giit na dapat palaging nananaig ang ikakabuti ng mas nakakarami.
Naging viral sa social media ang pag-alma ng mga kawani dahil mapapalayo at mapapagod sila sa pagbiyahe mula Metro Manila papunta sa kanilang bagong opisina sa Clark.
Una nang nilinaw ng kagawaran, na binigyan nila ng opsyon ang mga empleyado na lumipat sa mga opisina ng DOTr na mananatili sa Metro Manila, ang pagkakaroon ng flexi-time at ang pagkakaroon ng four-day work week para may tatlong araw ng pahinga ang mga empleado.
Kanina ay sinabi rin ni Tugade na may balak na ibigay sa unyon ng mga empleyado ang operasyon ng canteen sa bago nilang opisina.
Binanggit din ng kalihim na maging ang Bases Conversion and Development Authority na may opisina sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig ay lilipat na rin sa Clark.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.