Sen. Joel Villanueva, iminungkahi ang maximum work hours para sa Grab at Uber

Maximum work hours at hindi minimum work hours.

Ito ang mungkahi ni Senador Joel Villanueva matapos sabihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinag-iisipan nila na magkaroon ng minimum working hours ang mga driver ng Grab at Uber.

Ayon kay Villanueva, ang pagkakaroon ng maximum working hours ay ang magsisiguro sa seguridad ng mga pasahero at mga driver. Aniya, maiiwasang ma-overwork at mapagod ang mga driver kung magkakaroon sila ng limitadong oras sa kalsada.

Dagdag pa ni Villanueva, ang pagtatakda ng minimum hours ay ironic patungkol sa orihinal na konsepto ng mga transport network vehicle services (TNVS).

Ipinunto ni Villanueva na ginagamit ng ilang driver ang Grab at Uber para i-share ang kanilang sasakyan sa iba pang mga commuter na pupunta rin sa kapareho o malapit na desinasyon.

Kaya naman aniya, kung hindi magbibigay ng prangkisa sa mga TNVS driver dahil hindi nila masusunod ang minimum working hours, masisira nito ang konsepto ng ride-sharing.

Sa August 3 naman ay magkakaroon ng public inquiry ang Committee on Public Service na pinangungunahan ni Senadora Grace Poe tungkol sa LTFRB-TNVS issues at bill of rights ng mga pasaherong sumasakay ng taxi.

Read more...