Unang naglabas ng travel advisory ang pamahalaan ng Canada, kung saan binalaan nila ang kanilang mga mamamayan laban sa pagbisita sa anumang bahagi ng Mindanao, maliban sa Davao City.
Paliwanag ng Canada, may seryosong banta ng terorismo at kidnappings sa rehiyon, kasunod ng panawagan na pumunta lang sa Davao City kung talagang kinakailangan.
Sumunod namang naglabas ng advisory ang British government, na nagsabing posibleng magsagawa ng pag-atake ang mga terorista sa anumang bahagi ng Pilipinas, kasama na ang Maynila.
Gayunman, sa Mindanao anila ang may pinakamataas na banta sa seguridad.
Nabanggit rin sa kanilang advisory na mayroong mga banta ng kidnappings at terorismo sa Dumaguete City at Siquijor sa Visayas.
Ganito rin ang naging paalala ng Australia sa kanilang mga mamamayan.