Nangangamba si Isaias Samson Jr., ang itinawalag na ministro ng Iglesia ni Cristo sa kung ano ang napag-usapan sa pagitan ng gobyerno at Sanggunian ng INC na naging dahilan kaya’t itinigil na ng mga taga INC ang kanilang rally sa EDSA.
Nais ni Samson na malaman kung may kasunduang nabuo sa nasabing paguusap ng pagitan ng gobyerno at ng INC.
Tatlong senaryo aniya ang kanilang nakikitang posibleng kinahinatnan ng usapan sa pagitan ng dalawa.
Una rito ang paghiling ng INC na bumaba sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III, ikalawa ay ang pagbaba sa puwesto ni Justice Secretary Leila de Lima at ang ikatlo ay ang balewalain ang reklamo na kanilang isinampa.
Malinaw aniya na hindi titinag ang Malacañang sa unang dalawang posibleng demand ng INC kaya’t ang ikatlo ang kanyang nais na makumpirma kung bahagi ito ng kanilang hiniling.
Gayunman, umaasa si Samson na hindi papi-pressure ang Palasyo sakaling ito ang hiniling sa kanila ng Sanggunian ng Iglesia.
Panawagan niya sa Malacañang, isiwalat nito ang naging kahilingan ng Iglesia sa kanilang pagpupulong.
“Sana nga po ay makapagsabi ang Palasyo ng kanilang napagkasunduan. Kung sinasabi man nilang walang napagkasunduan, medyo may kalabuan pa rin po iyon eh. Mas maganda sana kung puwede nilang idetalye kung ano ang hiningi ng Sanggunian na hindi nila ibinigay,” ayon pa Kay Samson.
Ani Samson nang hindi makakuha ng malaking suporta ang Sanggunian mula dito sa Metro Manila ay nag-arkila pa ng mga bus ang mga ito sa probinsya upang madala ang mga miyembro mula sa mga probinsya na pumunta sa Kamaynilaan.
Iginiit din ni Samson na tanging ang mga miyembro ng Sanggunian ang kanilang inireklamo at hindi ng mismong pinuno ng INC.
Samantala, may kutob rin si Samson na napag-initan at napagbintangan ang broadcaster na si Anthony Taberna na tumutulong sa kanya kaya’t nakaramdam ito ng harassment.
Pamangkin ni Samson si Taberna.
Hindi naman nilinaw ni Samson kung ang tinutukoy niyang harassment ay ang nangyaring pag-papaulan ng bala sa coffee shop ni Taberna.
Mariing itinanggi ni Samson na sinusuportahan siya ni Taberna at sa katunayan, todo ang suporta at katapatan nito sa INC.