Inalerto ng Philippine National Police ang mga pulis sa Metro Manila na makipagtulungan sa mga local disaster risk reduction committees.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sa Metro Manila at pagtaas ng tubig-baha sa ilang mga lugar dulot ng bagyong Gorio.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Dionardo Carlos, ang forward deployment ng mga search and rescue equipment sa mga calamity prone areas sa Metro Manila ay isang direktiba na nagmula rin kay PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Kasama rito ang mga komunidad sa tabi ng mga estero, at maging sa mga lugar sa paligid ng Marikina riverbank.
Tiniyak naman ng opisyal na nakabantay ang PNP sa mga lugar sa Metro Manila at handang magbigay ng tulong sa mga mangangailangan ng tulong ngayong kasagsagan ng masamang panahon.
Nauna nang sinabi ng Pagasa na magpapatuloy ang malakas na buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila sa mga susunod na oras.