Jalandoni, kumpyansang maipagpapatuloy pa rin ang peace talks
Naniniwala ang dating chairman ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Luis Jalandoni na matatapos rin ang bangayan sa pagitan ng gobyerno at ng mga komunistang rebelde.
Ayon kay Jalandoni, umaasa pa rin siyang muling magpapatuloy ang peace talks sa administrasyong Duterte.
Aniya pa, naniniwala rin siyang mananatiling may halaga kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit tatlong dekadang pakikipagtulungan niya sa mga komunistang rebelde noon sa Mindanao.
Ani Jalandoni, baka makalipas lang ang ilang linggo ay huhupa rin ang bangayan ng magkabilang panig na magbibigay daan sa pagpapatuloy ng peace talks.
Sa pamamagitan aniya ng totoong social, economic at political reforms, maari pang makabuo ng mga kasunduan na naka-base na rin sa mga nauna nang napagkasunduan.
Samantala, mahalaga rin aniya na makita ng pangulo ang mga totoong ulat tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari sa ground, at hindi lang ang panig ng mga militar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.