Pagbibigay ng “meal allowance” ng paaralan sa enforcers, pinahihinto na ng MMDA

 

Inquirer File Photo

Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa La Salle Green Hills (LSGH) na itigil na ang pagbibigay ng P50 na allowance araw-araw sa kanilang mga traffic enforcers para sa pagma-mando ng trapiko sa paligid ng paaralan.

Ayon kay MMDA operations supervisor Bong Nebrija, napag-alaman lang niya noong Martes na nagbibigay pala ang Parents-Teachers Association (PTA) ng LSGH ng meal allowance sa mga enforcers na nakatalaga sa paligid ng paaralan sa loob ng nagdaang tatlong taon.

Pumipirma aniya ang mga traffic enforcers sa isang attendance sheet sa gwardya ng LSGH, at ibinibigay sa kanila ang naiipong allowance na iyon tuwing katapusan ng buwan.

Ayon pa kay Nebrija, hindi bababa sa walong enforcers ang regular na nakatalaga malapit sa LSGH, na nangangahulugang nakakatanggap ng halos P8,000 ang mga ito kada buwan.

Paliwanag ni Nebrija, hindi sila komportable sa ganitong sistema kahit pa itinuturing lang ito na “simple token of appreciation.”

Ayaw aniya nila na masanay naman nilang masanay sa ganoong kalakaran ang kanilang mga enforcers na nakatalaga doon.

Base sa kaniyang nalaman, matagal na aniya itong umiiral pero dati ay pagkain talaga ang ibinibigay sa mga enforcers, ngunit dahil hindi naman nakukuha ng iba ang mga ito, napapanis lang ang mga pagkain kaya ginawa na lang pera.

Naniniwala si Nebrija na maaring naapektuhan na ng nakagawiang ito ang “moral ascendancy to apprehend” ng mga pasaway na motorista.

Ayon kay Nebrija, gagawa sila ng formal report tungkol dito at isusumite kay MMDA chair Danilo Lim, pero hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa LSGH dahil “in good faith” naman ang paggawa nila nito.

Gayunman, aminado si Nebrija na nadismaya sila nang malaman na hinahayaan lang itong mangyari.

Ang lugar sa paligid ng LSGH ay nananatiling isa sa mga choke points sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila dahil na rin sa tagal ng paghatid at pagsundo ng mga drivers sa mga estudyante.

Read more...