High profile inmates, hindi babawiin ang testimonya vs. De Lima
Patuloy na paninindigan ng mga high profile inmate na tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima ang kanilang mga testimonya.
Ito ang inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio sa kabila ng kautusan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na ibalik na ang mga inmate sa kanilang orihinal na kulungan sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison.
Ayon kay Topacio, personal siyang nakipag-usap sa kanyang mga kliyente at batay sa kanila, hindi nila babawiin ang kanilang mga testimonya laban kay De Lima.
Kabilang aniya sa kanyang mga nakausap ay sina Noel Martinez, Herbert Colanggo, Joel Capones, at Rodolfo Magleo.
Sinabi ni Topacio na bagaman ayaw ng mga inmate na ibalik sila sa Maximum Security Compound, humiling ang mga kliyente niya sa kanya na alamin kay Aguirre kung saang building sila ililipat.
Giit ni Topacio, pinalutang lamang ang isyu ng pagbawi sa testimonya para mapahina ang kaso ni De Lima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.