Ilang MMDA enforcers pagpapaliwanagin sa sumbong na naka-payroll sila sa La Salle Greenhills

Inquirer File Photo

Araw-araw na perwisyo sa mga motorista na dumadaan sa Ortigas Avenue ang mga sasakyan na nakatigil sa harapan ng La Salle, Greenhills.

Kapag oras ng pasok at labasan ng mga estudyante sa nasabing paaralan, sakop na halos ng mga pribadong sasakyan ang mga linya sa Ortigas Avenue bago sumapit hanggang sa makalampas ng La Salle.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago, nakatanggap sila ng sumbong na nasa payroll umano ng La Salle, Greenhills ang mga traffic enforcer na nakatalaga para magmando ng daloy ng trapiko sa harapan ng nasabing eskwelahan.

Mismong ang MMDA enforcers din aniya na dati na ring naitalaga sa lugar ang nagsumbong sa kanila.

Ito marahil ang dahilan kaya nahahayaan ang mga driver ng private vehicles na pumarada at maghintay sa harapan ng paaralan kahit pa nakahambalang sila sa mga motoristang dumaraansa Ortigas Avenue.

Bunsod ng nasabing sumbong, sinabi ni Pialago na ipinatatawag na ni MMDA Chairman Danilo Lim ang mga sangkot na enforcers.

Sinabi rin ni Pialago na para maging patas ay kukumpirmahin din nila sa pamunuan ng La Salle ang nasabing sumbong.

 

 

 

 

Read more...