Kaso laban sa 30 dayuhan na naaresto dahil sa umano’y kidnapping, ibinasura ng DOJ
Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong inihain laban sa 30 sa 44 na dayuhang inaresto dahil sa umano’y pagdukot sa mga dayuhan ring high-roller casino players na narito sa bansa.
Sa inilabas na resolusyon ni Asst. State Prosecutor Philip dela Cruz, ibinasura niya ang mga kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention laban sa 30 dayuhan dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) at Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) noong July 18 ang 44 na dayuhan na karamihan ay pawang mga Chinese nationals.
Nasagip sa nasabing operasyon ang isang Singaporean na si Wu Yan, na umano’y dinukot ng mga respondents sa isang casino sa Pasay City.
Ayon sa DOJ, hindi naman naituro ni Wu ang nasabing 30 dayuhan bilang kasapi ng grupong dumukot sa kaniya.
Kasunod nito ay iniutos na ng DOJ ang pagpapalaya sa kanila mula sa detention facility sa Camp Crame.
Samantala, nananatili namang nakaditine ang 14 na iba pang naarestong dayuhan para sagutin ang mga alegasyon sa kanila sa preliminary investigation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.