Apat na pulis-Antipolo arestado sa pangingikil sa isang PWD
Inaresto ang apat na pulis na nakatalaga sa Antipolo City makaraang ireklamo ng robbery-extortion ng isang person with disability (PWD) na kanilang nabiktima.
Ayon kay Chief Inspector Jewel Nicanor ng PNP Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), nadakip sa isinagawang entrapment operation ang apat na pulis.
Ikinasa ng CITF at Antipolo PNP ang entrapment laban kina PO1 Alejo De Guzman, PO2 Randolf Opeñano, PO2 Erwin Fernandez, at SPO1 Ginnie San Antonio.
Sa reklamo ng 23-anyos na biktima, bigla umano siyang ng hinuli ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Antipolo PNP sa Barangay Masinag noong Huwebes, July 20.
Inakusahan umano siya ng mga ito na may dalang droga at pinagbantaan pa siyang itataas ang kaso sa pagbebenta ng ilegal na droga kung hindi siya magbibigay ng P150,000.
Kinuha pa umano ang cellphone ng biktima at ang pera na P16,000 na dapat ay gagamitin sa kaniyang operasyon.
Sa isinagawang entrapment operation, nakuha sa apat na pulis ang sasakyan na kanilang ginamit, dalawang baril, hinihinalang shabu at pera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.