Nagtalaga ng panibagong batalyon ng PNP Special Action Force na magbabantay sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Ito ay makaraang mabuhay umano muli ang kalakalan ng iligal na droga sa Bilibid.
Ayon kay Justice Undersecretary Antonio Kho Jr., na siyang namumuno sa Bureau of Corrections (BuCor), isang batalyon ng SAF commandos ang idineploy noong weekend sa Maximun Security Compound.
Sinabi ni Kho na ginawa ang nasabing hakbang kasunod ng mga ulat na lumipat na mula sa Maximum Security Compound patungong Medium Security Compound ang illegal drug trade.
Noong July ng nakaraang taon, aabot sa 400 na SAF commandos ang itinalaga sa NBP para pulbusin ang illegal drug activities sa loob ng pambansang kulungan.
Pero noong nakaraang July 3, ibinunyag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na mayroong ilang SAF personnel na nakatalaga sa Bilibid na sangkot sa pagbabalik ng illegal drug trade.
Dahil sa nasabing rebelasyon, agad na nagbitiw sa puwesto si retired police official Benjamin De Los Santos bilang BuCor Director-General noong July 13.
Ipinag-utos naman ni Aguirre sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang resurgence ng iligal na droga sa Bilibid.