Ang dapat na long weekend ay naging parusa dahil hindi halos gumagalaw ang daloy ng trapiko matapos harangan ng mga miyembro ng INC ang EDSA at Shaw Boulevard.
Sabi nila nagrally sila dahil isinusulong nila ang “separation of church and state” doctrine. Perong tanungin sila kung ano ito ay hindi nila maipaliwanag.
Ang tanging nasasabi nila ay pakikialam daw sa relihiyon nila ang pagsampa ng kasong kriminal sa opisina ng DOJ ng isang miyembro nila kontra sa isang ministro nila.
Hindi daw dapat nakikialam ang DOJ sa nagaganap sa loob ng simbahan nila. Papaanong hindi tatanggapin ng DOJ ang kaso eh trabaho ng DOJ yun.
Napansin ko lang na matapos ang mahabang oras, lumawak na sa Mamasapano, DAP at iba pang isyu ang isinisigaw ng mga rallyista.
Idagdag mo pa dito ang paglitaw ng ilang kilalang political operators at politiko ay biglang iba na ang kulay nila.
Ang bale ba sa akin, parang may gusto lang patunayan ang simbahan ng INC kaya nila itinulak ang rally.
Nais nila ipakita na kaya nila pasunurin ang mga miyembro nila. Nais nila iparamdam na kaya nila iparalisa ang Metro Manila. Nais nila idiin na sila ay isang political force.
Yun lang ang tanging pakay na nakikita ko sa EDSA exercise ng INC. Dahil malapit na ang eleksiyon at parang hindi sila pinapansin ng administrasyon, maaaring inisip ng pamunuan ng INC na dapat nila iparamdam ang lakas nila. Political muscle flexing ang tawag dito sa ingles.
Pagpapakita na sila ay isang puwersang kailangan pansinin at igalang. Pero papaano mo igagalang ang grupong perhuwisyo?
Tulad ng nalaos na grupong makakaliwa, nawala ang respeto sa kanila ng mamamayan dahil istorbo sila sa buhay.
Kung sa bandang huli ay hindi taumbayan kundi personal na agenda ng pinuno nila ang nasusunod ay mauubos din ang miyembro nila.
Pero kung matututo sila sa naganap na gulong ito at sa susunod ay kapakanan ng nakakarami ay uunahin nila, maaaring lumabas silang malakas kaysa dati. Pero sa ngayon, ang tingin ng taumbayan ay tulad ng ibang grupo, pulitika lang lahat ito.