2 pulis, arestado matapos magpaputok ng baril sa videoke bar sa Maynila

Arestado ang dalawang pulis matapos magpaputok ng baril sa loob ng isang videoke bar sa kanto ng Abad Santos at Tayuman sa Tondo, Maynila.

Kinailangan pa ang tulong ng SWAT team para mapasuko ang mga suspect na sina SPO2 Ryan Marcelo at PO1 Ramada Mupa na nakatala sa Headquarters Support Unit ng Manila Police District.

Arestado rin ang magkapatid na Julius Ceasar at Augustus Faustino, na nangantiyaw sa mga pulis para magpaputok ng baril.

Ayon kay Bea Guevarra, waitress sa Butch Videoke Bar, lasing na lasing na nang dumating si SPO2 Marcelo kasama si PO1 Mupa.

Binati umano ang mga ito ng magkapatid na Faustino, at nagbirong magpaputok ng isa.

Agad namang inilabas ni Marcelo ang kanyang .9mm na pistola at ipinutok sa sahig, dahilan para mataranta ang mga customer ng bar.

Sugatan naman sa insidente ang customer na si Charlito Tesmo matapos tamaan ng shrapnel sa gilid ng leeg.

Inabot pa ng mahigit dalawang oras bago nasukol si Marcelo matapos gamitan ng taser gun ng SWAT team.

Nahirapan rin umano ang mga negosyador na makipag-usap kay Marcelo dahil hindi pa bumababa ang tama nito at matapang pang sumagot.

Nasa kustodiya na ng MPD-General Assignment and Investigation Services ang mga naarestong suspek at mahaharap sa patung-patong na kasong kriminal at administratibo.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Manila Police District sa nasabing insidente.

 

 

 

 

WATCH:

Read more...