Kilos protesta sa SONA, sesentro sa nabigong mga pangako ni Duterte – BAYAN

Sesentro sa Martial Law sa Mindanao at mga nabigong pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isasagawang kilos protesta sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) bukas, July 24.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr., layunin ng kilos protesta ngayong taon na maiparating ang matapang na mensahe kay Duterte ukol sa nabigong mga pangako.

Iba aniya ang ipararating ng kilos protesta ngayon, kung mas mangingibabaw ang protesta laban sa administrasyong Duterte kumpara sa SONA noong nakaraang taon.

Matatandaang sumentro ang mga ikinasang rally noong unang SONA ng pangulo sa pag-asa na maitataguyod na ang kapayapaan sa bansa partikular sa Mindanao.

Sinabi din ni Reyes na ibabalik ng Bayan ang pagsusunog ng mga effigy at magiging highlight din ito ng kanilang kilos protesta.

Pero hindi binanggit ni Reyes kung kaninong effigy ang susunugin ng kanilang grupo.

Kasabay nito, sinabi din ni Reyes na handa na sila para sa ikakasang kilos protesta bukas pero iginiit ng grupo na walang magaganap na untoward incident dahil makikipag-ugnayan sila sa mga otoridad.

Read more...