INC at MMDA nagsanib puwersa sa paglilinis ng EDSA
Dalawang oras makaraang i-anunsyo ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo na tapos na ang kanilang kilos-protesta ay binuksan na sa daloy ng trapiko ang intersection ng EDSA at Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Pasado alas-otso nang umaga kanina nang sabihin sa Radyo Inquirer ni INC spokesman Edwil Zabala na uuwi na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga kasapi ng INC na naki-isa sa ilang araw na kilos-protesta.
Kaagad na nagtulong-tulong ang ilang kasapi ng INC, mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City sa paglilinis sa lugar na ilang araw ding pinagdausan ng rally.
Hindi naman naging madali ang paghahakot sa mga naipong basura dahil nananatili pa ring mabigat ang daloy ng trapiko sa ibang bahagi ng EDSA.
Sa lungsod naman ng Maynila ay kaagad ding nilisan ng mga kasapi ng INC ang harapan ng Department of Justice makaraan nilang matanggap ang mensahe na nagsasabing tapos na ang kanilang ginagawang pagtitipon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.