Katwiran ni Duterte sa pagsuspinde sa peace talks, mababaw ayon sa NDFP

Inaakusahan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) si Pangulong Rodrigo Duterte ng paggamit ng napakababaw na dahilan para kanselahin ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at mga komunista.

Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Duterte ang suspensyon sa peace talks hangga’t hindi itinitigil ng New People’s Army (NPA) ang kanilang mga opensiba laban sa gobyerno.

Pero ayon kay Fidel Agcaoili na peace panel chair ng NDFP, nananatili pa rin naman silang committed sa pagsusulong ng peace process sa kabila ng mga nangyayari sa ground.

Katwiran ni Agcaoili, hindi naman sila umaatras sa peace talks kahit pa inaatake rin ng mga tropa ng gobyerno ang mga rebelde.

Partikular niyang binanggit ang pagkakapatay sa anim na miyembro ng NPA at dalawang sibilyan sa Compostela Valley noong July 12, pati na ang pag-masaker aniya sa isang pamilya sa nasabing lugar ilang araw lang ang nakalilipas, na mariin namang itinanggi ng militar.

Dahil dito, sinabi ni Agcaoili na mistulang sabik na sabik ang pamahalaan na itigil na ang peace talks, na umaabot na sa puntong gumagamit na sila ng mababaw na dahilan para kanselahin ang backchannel talks.

Samantala, binanatan rin niya ang direktiba ng Office of the Solicitor General muling ipa-aresto ang mga peace consultants.

Aniya, kung muling aarestuhin ang mga consultants, lalabag ang gobyerno sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG na nilagdaan ng magkabilang panig.

Read more...