Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na layon ng posibleng pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ay para puksain ang mga terorista, at hindi ang mga komunistang rebelde.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, ikinalulungkot nila na ang interpretasyon ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison, ay sila ang target ng deklarasyon ng martial law.
Paliwanag ni Arevalo, ang naging basehan ng pagdedklara ng martial law ay ang mga rebelyon na nagaganap sa Marawi City gawa ng Maute Group.
Matatandaang pinagtibay pa ng Korte Suprema ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao, lalo na sa Marawi dahil sa pamamayagpag ng terorismo.
Gayunman, sinabi ni Arevalo na kung susuportahan ng NPA ang mga terorista, kabilang na rin sila sa mga bubuwagin ng militar.
Nitong Martes lamang ay inatasan ng CPP ang NPA na magsagawa ng opensiba at mga pag-atake laban sa mga militar bilang pagtutol sa pagpapalawig sa martial law hanggang sa katapusan ng 2017.
Ani pa Arevalo, kung tunay na nagmamalasakit sila para sa masa at sa bayan, dapat isinasaalang-alang ng grupo ang kapakanan ng mga tao at hindi ang kapahamakan o kawalan ng hanapbuhay ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.