AFP, nagpasalamat sa tulong ng AirAsia sa mga sundalo
Lubos na nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa AirAsia Philippines sa pagbibigay ng airline ng libreng baggage allowance at in-flight meals sa mga sundalong patungo sa kanilang mga misyon.
Ayon kay AFP public affairs chief Co. Edgard Arevalo, nagpapasalamat sila sa AirAsia sa pamumuno ni Capt. Dexter Comendador, sa pagbibigay ng ganitong pribilehiyo para sa mga sundalong gumagamit ng kanilang airline.
Nag-ugat ang pagbibigay ng tulong ng AirAsia sa mga sundalo matapos magpost sa kanilang Facebook page ang netizen na si Inday Rakel, na nagbahagi kung paano tinulungan nilang mga pasahero ang tatlong sundalo na patungong Marawi City at Cotabato.
Sumobra kasi sa bigat ang kanilang dalang bagahe dahil sa mga dala nilang mga uniporme at iba pang mga military paraphernalia.
Dahil dito, nagdesisyon ang AirAsia na pinamumunuan ni CEO Capt. Comendador na magbigay ng libreng baggage allowance hanggang 40 kilos at in-flight meals para sa mga sundalong patungo sa kanilang mga deployment.
Ito aniya ay bilang pagbibigay pugay sa kanilang mga sakripisyo at pagpapakabayani para sa bansa.
Dagdag ni Arevalo, ang pagsakay ng eroplano ang isa sa pinakamabilis na paraan para makarating ang agad ang mga sundalo sa kanilang mga deployment.
Tiyak aniya na makakatulong ito na mahikayat ang mga sundalo na pupunta sa kani-kanilang mga misyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.