Bangkay ng isa sa mga nasawing sundalo sa pumalyang airstrike, dinala na sa Albay

Iniuwi na sa Albay ang mga labi ng isa sa mga sundalong nasawi sa airstrike accident sa Marawi City kamakailan.

Binigyan ng arrival honors ng kaniyang mga kasamahan sa Tactical Operation Group 5 si Army Sgt. Antonio Pareja, kasabay ng pagsalubong sa kaniya ng kaniyang misis at ina sa Albay kahapon.

Si Pareja na 15 taon na sa serbisyo, ay tubong Bislig, Surigao del Sur at miyembto ng Scout Ranger Company sa ilalim ng Army 4th Battalion.

Ayon sa kaniyang ina na si Erlinda, sa Albay dinala ang bangkay ng kaniyang anak dahil taga-Tiwi ang misis nito at nais ng kaniyang pamilya na doon siya mailibing.

Hindi naman sinisisi ni Erlinda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sinapit ng kaniyang anak, bagkus ay sinabi niyang ang mahalaga ay namatay si Pareja habang nagsisilbi sa bayan.

Gayunman, aminado ang ina na masakit ang nangyari, kaya hiling niya na sana ay mapatay rin lahat ng mga terorista.

Si Pareja ay isa sa dalawang sundalong nasawi sa nagkamaling airstrike ng militar noong July 12 sa Marawi City.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang AFP tungkol sa nangyaring pagkakamali.

Read more...