Sa kaniyang inihaing motion for reconsideration sa Ombudsman, iginiit niyang walang nangyaring “conspiracy” sa pagitan nila nina dating Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima, at dating SAF chief retired Director Getulio Napeñas.
Muli ring nanindigan si Aquino na lahat ng kaniyang mga naging hakbang at desisyon niya kaugnay ng Oplan Exodus ay naaayon sa kaniyang kapangyarihan noon bilang pangulo, at Commander-in-Chief.
Paliwanag pa ni Aquino, maari siyang direktang mag-utos o makipag-ugnayan sa sinuman, kabilang ang mga taong nagsisilbing resource persons na nakapagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa isang police operation.
Una nang sinabi ni Aquino na ang tanging naging partisipasyon lamang ni Purisima ay magsilbing resource person.
Ang nasabing mosyon ay bilang tugon ni Aquino sa desisyon ng Office of the Ombudsman na dapat siyang makasuhan ng usurpation of authority at graft kaugnay ng naging papel niya sa operasyon.