Exclusive: Mga armas mula sa US, malaki ang tulong sa pakikipaglaban ng tropa ng pamahalaan sa Marawi

By Arlyn Dela Cruz July 20, 2017 - 01:04 PM

Kilala ang Marines na sugod nang sugod sa labanan.

Maituturing na elite force sa Armed Forces of the Philippines ang Philippine Marines ngunit sa Marines, may isa pang unit na tinatawag na “elite of the elites”—ang Marine Special Operations Group o MARSOG.

Sa Marawi, ang MARSOG sa ilalim ng 64th Marine Company ay isa sa mga unang tropa ng pamahalaan na nakipaglaban sa armadong grupo ng Maute-ASG Terrorist Group.

Sanay man sa pakikipaglaban sa kabundukan at may bagong karanasan ng pakikidigma sa Marawi na isang urban area, ang MARSOG ay may kakaibang kumpiyansa sa pakikipaglaban sa mga terorista.

Nakuha ng Radyo Inquirer at Inquirer 990 TV ang exclusive footage na ito sa pamamagitan ng Blank Pages Productions na nagpapakita ng pakikipaglaban ng MARSOG sa Maute at ASG gamit ang MK43 o 60 caliber light machine gun. Ang mga armas na ito ay mula sa Estados Unidos at bahagi ng Section 1206 ng United States Assistance on Anti-Terrorism.

Bago pa ang krisis sa Marawi ay naibigay na ito sa MARSOG, bilang isang complete military assistance package na nagkakahalaga ng $12-Million. Nakapagsanay na ang MARSOG sa paggamit nito bago pa sila naipadala sa Marawi City bilang bahagi pa rin ng US Counter terrorism Training and Equipment Program

Aminado si Col. Arnel Tolato, Commanding Officer ng MARSOG/64th Marine Company na malaki ang naitulong ng mga makabagong armas pakikidigma mula sa Estados Unidos ng Amerika sa kanilang opensiba at depensa sa Marawi/ “Kapag alam mo na reliable yung gamit mong armas, yung Marines na dati nang malakas ang loob, lalong lalakas ang loob, kasi alam niyang hindi top of the line yung dala niyang armas,” sabi ni Tolato.

Simula pa lamang ng krisis sa Marawi ay naroon na ang tropa ni Tolato, may dalawang namatay sa kanyang tropa ngunit karamihan ay wounded in action o WIA ngunit mabilis na naka-recover at muling nagbalik sa labanan.

Bilang isa sa mga officers on the ground, hindi masabi ni Tolato kung hanggang kailan matatapos ang labanan. “Pinaghandaan ng kalaban ang tropa ng pamahalaan, nakapag-imbak sila ng maraming armas at bala at marami sila, higit sa inaasahan namin at kabisado nila ang Marawi City, lahat ng pasikot-sikot dito kaya ang challenge ay yung labanan na dikitan na, halos tapatan na,” dagdag pa ni Tolato.

Nanibago man sa urban warfare style ng pakikipalaban, sinabi ni Tolato na siya at ang kanyang tropa ay nakahandang tapusin ang labanan hanggang sa mapatay nila ang kahuli-hulihang terorista na nasa loob pa ng Marawi.

Naniniwala din si Tolato na nasa Marawi pa si Isnilon Hapilon, ang regional Emir ng nagpakilalang ISIS sa Pilipinas ganun din ang mga Maute brothers sina Abdulrahman, Mohammadkhayam at Abdulasis.

Sabi pa ni Tolato, “Mataas pa ang morale nila, nakikipagsabayan din at sa tingin ko, iyon ay dahil sa nandun pa si Hapilon at Maute brothers na nag-momotivate sa kanila”.

Panoorin ang eksklusibong video na ibinigay sa Blank Pages Productions na ibinahagi naman sa Radyo Inquirer:

 

 

 

 

TAGS: firearms from us, Maute, soldiers, Terrorism, Video of soldiers in Marawi City, firearms from us, Maute, soldiers, Terrorism, Video of soldiers in Marawi City

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.