Mga residenteng tatamaan ng MRT7 project, ire-relocate ng NHA

Kuha ni Jan Escosio

Bibigyan ng relokasyon ng pamahalaan amga residente na nakatira sa lugar na tatamaan ng MRT7 project.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, ang mga naninirahan sa right of way ay ire-relocate ng National Housing Authority (NHA).

Anim na libong housing units na aniya ang inihahanda ng NHA para sa mga maaapektuhang pamilya.

Ang relocation site ay sa Tanay Rizal at sa Bulacan.

Sa ngayon mayroon nang 160 pamilya na unang pinoproseso ng NHA para sa relocation.

Samantala, nangako ang DOTr na maiibsan ang nararanasang matinding traffic ngayon sa Regalado, Fairview sa Quezon City bago mag-pasko.

Ayon kay Tugade, tiniyak ng San Miguel Corporation (SMC) nab ago mag-Disyembre ay tapos na ang paglalatag ng columns at poste mula Doña Carmen hanggang Regalado.

Matinding traffic kasi ang nararanasan ngayon ng mga motorista sa lugar dahil sa nasabing proyekto.

Ang buong MRT 7 project ay target makumpleto sa taong 2019.

Sinabi ni Tugade na ang nararanasang abala ngayon ng mga motorista ay mapapalitan naman ng pangmatagalang ginhawa sa sandaling matapos na ang proyekto.

Ang MRT7 ay mayroong labingapat na istasyon at may habang 22 kilometers.

Kabilang sa mga istasyon nito ang North Avenue, Quezon City Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Doña Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, at San Jose Del Monte.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...