Ilang minuto makalipas ang alas-otso ng umaga, idineklara ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo na tinatapos na nila ang kanilang kilos-protesta sa kanto ng EDSA at Shaw Boulevard.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni INC spokesman Edwil Zabala na naipakita na nila ang kanilang pagkakaisa, naiparating na nila ang kanilang mensahe at ngayon ay sama-sama na silang maglilinis sa lugar.
“Ang pinag-uusapan na lang ngayon ay kung ano ang aming sasakyan pauwi”, paliwanag ni Zabala.
Nagsimula na ring mag-alisan sa harap ng Department of Justice building sa Padre Faura sa Maynila ang ilang mga kasapi ng INC na nauna nang naghintay sa pagdating ng kanilang mga kasamahan mula sa EDSA.
Nauna dito ay sinabi ng naturang INC official na ilang mga opsyon ang kanilang pinag-aaralan kabilang na dito ang pagbalik sa Maynila, ipagpatuloy ang kilos-protesta sa EDSA o humanap ng ibang lugar na malapit sa EDSA para ituloy ang rally.
Humingi rin ng paumanhin sa mga hindi INC members si Zabala kaugnay sa mga naabalang motorist sa mga nakalipas na araw dulot ng kanilang kilos-protesta. / Den Macaranas, Erwin Aguilon