250 na nasugatang sundalo, balik na sa pakikipagbakbakan sa Marawi City

Photo by Joshua Morales-Radyo Inquirer correspondent

Balik na sa frontline main battle area sa pakikipagbakabakan sa Maute group sa Marawi City ang 250 na mga nasugatang sundalo.

Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, sila ang mga nasugatang sundalo sa unang sigwada ng giyera sa Marawi City noong May 23.

Dagdag ni Herrera, magdadalawang buwan na aniya ang nakalipas at gumaling na ang kanilang mga sugat.

Sinabi pa ni Herrera na gusto na ng mga sugatang sundalo na samahan ang kanilang tropa sa paglaban sa mga terorista.

Pursigido rin aniya ang mga sugatang sundalo na tapusin na ang giyera sa Marawi City sa lalong madaling panahon.

Samantala, patuloy ang bakbakan at umaalingawngaw pa rin ang palitan ng putok ng magkabilang panig.

Sa kasagsagan ng putukan, tinamaan ng ligaw na bala ang gusali ng Kapitolyo ng Lanao Del Sur.

Nabutas ang salaming bintana ng gusali dahil sa tama ng bala. Sa nasabing lugar umano natutulog si Lanao Del Sur Assemblyman Zia Alonto Adiong.

 


 


 


 

Read more...