Pag-uwi ng mga Marawi residents sa kanilang mga bahay haharangin ng AFP
Umaapela ang Armed Forces of the Philippines sa grupong Dansalan Tano sa Kalilintad Movement na huwag nang ituloy ang planong pagpasok sa Marawi City sa July 24 o 27.
Sinabi ni Joint Task Force Marawi Spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera na delikado pa rin ang sitwasyon sa lungsod dahil hindi pa nahuhuli ang mga natitirang miyembro ng Maute terror group at Abu Sayyaf sa lugar.
Una rito ikinakasa ng ilang residente ang pagmartsa na tinawag na Dansalan Tano o Marawi Tayo na layuning makabalik sa kani-kanilang tahanan para makakakuha ng ilang gamit at mga mahahalagang dokumento
Apela ni Herrera sa mga nagbabalak na mag-martsa na maging mahinahon, maging open minded, at patuloy na makipag diyalogo sa militar at sa mga local officials.
Dapat aniyang maintindihan ng mga residente ang panganib sa krisis sa Marawi City lalo’t hindi isang simpleng terorista ang kumubkob sa kanilang lugar kundi mga terorista na kalaban ng buong mundo
Binigyang diin ni Herrera na ayaw ng militar na basta na lamang mapahamak ang mga residente sakaling makatisod ng mga itinanim na mga pampasabog ng teroristang grupo.
Wala aniyang pinipili ang mga terorista dahil pumapatay ang mga ito kahit na mga Muslim o Kristiyano man.
Hindi rin aniya nakatutulong ang balak ng mga residente dahil hindi makapag-focus ang militar sa clearing operations.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.