Paglipat sa EDSA ng mga kasapi ng INC mula sa Padre Faura, bunga umano ng ‘misinformation’ at ‘infiltration’

By Antonio Villarama August 31, 2015 - 07:39 AM

edsashaw
Kuha ni Mariel Cruz

Wala sanang balak na pumunta sa EDSA ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo ayon sa tagapagsalitang si Edwil Zabala.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Zabala na noong Biyernes ay nagkaroon ng disinformation sa pamamagitan ng text messages na kailangan nang lumipat sa EDSA. “Kung hindi po pumasok ang kalituhan at disinformation, kung hindi po kami ginulo ay hindi po mapupunta sa EDSA ang mga kapatid namin sa Iglesia kaya nang naglipatan na doon, nandito na rin lang tayo ay nanatili na kami sa EDSA.

Pero ang plano lang talaga ay sa Padre Faura ang mapayapang pagtitipon,” paliwanag ni Zabala.

Hindi naman tinukoy ni Zabala kung aling grupo ang nagpasimula ng kalituhan kung bakit mula sa Padre Faura ay napunta ang kanilang vigil-rally sa EDSA.

Sa araw na ito, tatlong bagay ang puwedeng mangyari ayon kay Zabala. Una, ang sila ay umuwi sa kani-kanilang distrito at tahanan, ikalawa ang lumipat sa mas malapit na lugar at ikatlo ang bumalik sa Padre Faura sa tanggapan ng Department of Justice sa Maynila. Hanggang Biyernes, ika-4 ng Setyembre ang rally permit na ibinigay sa INC ng Manila City Government.

Muli ay nanghingi ng paumanhin si Zabala sa publiko sa idinudulot na pagsisikip sa daloy ng trapiko bunga ng kanilang kilos-protesta. “Maaaring magalit sila sa amin sa ngayon, ngunit sa kalaunan, ma-re-realize din nila na kung hindi kami umimik ay malaki ang implikasyon nito sa usapin ng paghihiwalay ng Church at State.

Nasa 20,000 kasapi ng INC ang natipun-tipon sa EDSA, batay sa pagtaya ng Philippine National Police.

TAGS: edsa, inc rally, Zabala, edsa, inc rally, Zabala

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.