Pangulong Duterte hiniling ang martial law extension sa Mindanao hanggang December 31
BREAKING: Kinumpirma ng Malakanyang na hiniling na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kapulungan ng kongreso na palawigin ng mahigit limang buwan pa ang martial law sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, partikular na hiniling ng pangulo sa Senado at sa Kamara na palawigin ng martial law declaration hanggang sa December 31, 2017.
Sa liham ni Pangulong Duterte sa kongreso, sinabi nitong ang “existing rebellion” sa Mindanao ay hindi matatapos July 22.
At bilang pagsasaalang-alang aniya sa public safety, kinakailangang palawigin pa ang martial law.
Sinabi ni Abella na sa pamamagitan ng pagpapalawig pa ng martial law, matutugunan ang banta ng local terrorist groups.
Pero ayon kay Abella, kahit nagbigay ng petsa ng extension si Pangulong Duterte, nasa kongreso pa rin ang pinal na pasya kung aaprubahan ito.
Pinagbasehan aniya ng pangulo sa hininging extension ang rekomendasyon na isinumite ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ang 60-araw na deklarasyon ng martial law ay nakatakdang mapasok sa July 22, 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.