6 ang patay, 10 sugatan sa salpukan ng tangke ng militar at isang van sa Misamis Oriental
Patay ang anim na katao matapos magsalpukan ang isang military fighting vehicle na ‘simba’ at isang van sa bahaging National Highway ng Poblacion, Manticao, Misamis Oriental.
Nakilala ang mga nasawi na sina Hadji Latiff Macaumbos, Rey Dacoa Mancao, Siete Guimba, Jocelyn Oclarit Baldoz at isang hindi nakilalang babae na tinatayang nasa edad 30 hanggang 35.
Patay din ang driver ng Toyota Hi Ace Van na nakilalang si Hadji Amin Bangcola.
Ginagamot na ngayon sa Manticao Provincial Hospital ang sampung sugatang pasahero ng van na nakilalang sina Renzo Von Pagayon, Raima Tangote, Norhaya Ampaan, Hadji Aspiya Lanto, Abdul Ratiph Lanto na siyam na taong gulang, Reham Dom Lanto, Dimpinto Norjama, Nobalsa Domapo, Raima Tangoti at Samsodin Domapo.
Nabatid na minamaneho ni Sgt. Danny Tenezo ang tangke ng militar na bahagi ng convoy ng apat na military truck nang maganap ang aksidente.
Ayon sa ulat ng Manticao PNP, galing ng Iligan City at patungo sana ng Cagayan De Oro City ang fighting truck para kumuha ng logistical supplies sa Laguindingan Airport.
Nag-overtake umano ang nauunang sasakyan ng convoy subalit hindi napansin ni Tenezo na nasa ikalawang pwesto na may paparating na van.
Sa lakas ng impact ng salpukan, nahagip pa ang isang motorsiklo.
Nasa kostudiya na ng Manticao PNP si Tenezo maging ang militray fighting vehicle na nakaaksidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.