2018 nat’l budget, Marawi rehab fund kabilang sa mga prayoridad ng Kamara sa 2nd session
Sa nalalapit na muling pagbubukas ng 17th Congress para sa kanilang second regular session, may mga panukalang batas na ang nakalatag na maging prayoridad sa mga tatalakayin ng mga mambabatas.
Ito ay ang panukalang 2018 national budget, ang supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi City, charter change, civil union at tax reform.
Ayon kay Deputy Speaker Gwendolyn Garcia, ang panukalang 2018 national budget na inaasahang isusumite ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa mismong araw ng State of the Nation Address, ay mangunguna sa kanilang mga tatalakayin.
Ani Garcia, dahil sa programa ng administrasyon na “Build, Build, Build,” mahalagang unahin agad ang pagtalakay sa magiging pondo ng bansa.
Kailangan na rin aniya ang paglalaan ng pondo para sa Marawi, upang maibalik na sa normal ang sitwasyon sa lungsod na lubhang apektado ng bakbakan ng mga militar at Maute Group.
Maliban dito, patuloy din aniyang isusulong ng Kongreso ang charter change, lalo na’t ipinasa na ng House constitutional amendments committee ang concurrent resolution para mag-convene ang Kongreso at magpanukala ng mga amyenda para sa 1987 Constitution.
Samantala, naniniwala naman aniya ang mga mambabatas na marami ang makikinabang oras na maisabatas ang civil union bill para sa mga same sex at heterosexual couples na nais magsama pero hindi pa handang magpakasal.
Ayon naman kay Quirino Rep. Dakila Carlo Cua, isusulong rin ng Kongreso ang reporma sa tax system ng bansa para gawin itong mas progresibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.