Walang problema kay Pangulong Rodrigo Duterte kahit tuluy-tuloy siyang punahin ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Si Duterte ang panauhing pandangal sa paglulunsad ng bagong libro ni Ramos kahapon sa Kampo Aguinaldo.
Sa talumpati ni Ramos, kanyang pinasalamatan ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa kanyang book launching at nanawagan sa publiko na suportahan ito.
Tinugunan naman ito ni Pangulong Duterte sa pagsasabing si Ramos ang isa sa kanyang mga idolo.
Tinawag rin na ‘number one critic’ ni Duterte si Ramos.
Ngunit sa kabila ng bansag na ito, iginiit ni Duterte na kanyang nirerespeto ang mga kritisismo ng dating pangulo at handa niyang tanggapin ang mga susunod nitong pagpuna sa kanyang mga hakbang.
Matatandaang una nang pinuna ni dating pangulong Ramos si Duterte dahil sa malimit nitong pagmumura sa mga foreign leaders at sa biglaang paglobo ng mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa.