Pamamaslang sa health officer sa Cavite, pinaiimbestigahan sa NBI

Ipinag-utos ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa National Bureau of Investigation ang pag-iimbestiga sa pamamaslang sa provincial health officer na si Dr. George Repique Jr. ng Trece Martires, Cavite.

Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 486, inuutusan ni Aguirre ang NBI na bumuo ng kaso at kilalanin ang mga nasa likod ng pagpatay.

Inatasan din ang pinuno ng NBI na magsumite ng report sa DOJ ukol sa nagiging takbo ng imbestigasyon.

Noong nakaraang Martes, pinagbabaril hanggang sa mamatay si Repique ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Trece Martires City.

Pitong taong nanungkulan si Repique bilang provincial health officer sa lalawigan.

Nagpaabot na si Department of Health Sec. Paulyn Ubial ng pakikidalamhati sa pamamaslang, habang kinondena naman ng Philippine Hospital Association ang insidente.

Si Repique ang ikatlong government doctor na napatay ngayong taon.

Read more...