CBCP, naghahangad ng mapayapang resolusyon ng usapin sa pagitan ng INC at ng DOJ

 

Inquirer file photo

Naglabas na ng official statement ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa vigil-rally ng Iglesia ni Cristo.

Sa anim na gabay na inilabas ni CBCP President and Lingayen, Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangunahin ang panawagan sa mga Katoliko at sa sambayanan sa kabuuan na manalangin para sa mapayapang resolusyon ng usapin sa pagitan ng INC at ng pamahalaan sa paraang kalugod-lugod sa Diyos at naaayon sa Saligang Batas.

Pinayuhan din ng CBCP ang mga Catholic faithful na huwag maging daan ng paghahatid ng tsismis na maaaring makapagpalala ng sitwasyon.

Umapela din ang CBCP sa mga Katolikong abogado, mga hukom, at maging mga law professors na makibahagi sa umiiral na diskurso upang makapagbigay ng kalinawan at pag-unawa ng walang pag-husga lalo na sa ‘boundaries’ng kalayaan sa relihiyon at sa ‘prerogative’ ng Estado.

Sa EDSA, ang usapin ng paghihiwalay ng Simbahan at Estado ang isinisigaw ng mga kaanib ng INC.

Hiniling din ng CBCP na igalang ang sagradong lugar na sentro ng panalangin tulad ng EDSA Shrine sa Ortigas.

Sumunod sa batas, ito rin ang paalala ng CBCP na nanghihikayat sa mga anak na lalake at babae ng simbahan na huwag isiping maaari silang hindi sumunod sa batas.

Ika-anim, nakasaad sa statement ng CBCP na tutol sila sa ‘opportunism’.

Ayon sa CBCP, walang pulitiko ang dapat na makinabang sa sitwasyon dahil sa pananamantala sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapalala nito na ang hangad anila ay ang makuha ang suporta ng sekta ng relihiyon na kilala sa pag-boto ng iisa batay sa pasya ng kanilang mga pinuno.

 

 

Read more...