Mga pangakong napako ni Pang. Duterte, tinalakay sa isang forum

Kuha ni Mark Makalalad

Mga pangakong napako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang naging sentro ng isang froum na inorganisa ng civic groups ngayong araw sa Bahay Alumni sa UP Diliman na tinawag na “SO ANO NA?”

Isang linggo bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo, pinuna ng mga kritiko ang mga hindi natupad na pangako ni Duterte mula ng ito ay manungkulan isang taon na ang nakakaraan.

Kabilang sa mga dumalo ay mga senador mula sa Liberal Party na kinabibilangan nina Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Bam Aquino.

Dinaluhan din ito ng 2 mambabatas mula sa Magnificent 7 na sina Magdalo Rep. Gary Alejano at Ifugao Rep. Teddy Baguilat.

Ayon kay Trillanes, nagbasa rin ng liham ng hindi nakadalo na si Sen. Leila De Lima, nahaharap ang bansa sa isang human rights crisis dahil sa patuloy na nagaganap na patayan sa bansa.

Sinabi niya rin na nalugmok ang Pilipinas sa pinakapangit na kondisyon o worst state dahil sa pamumuno ni Duterte.

Pagtitiyak naman niya, hindi habambuhay ay mamayagpag si Duterte dahil balang-araw ay babagsak din ito.

Sinuportahan naman ito ni Baguilat at sinabing tanging mahihirap lamang ang nabibiktima ng extrajudicial killings.

Dagdag pa ng mambabatas, palyado rin ang administrasyon pagdating sa usaping agrikuktura at kalikasan.

Bigo raw kasi nitong maibalik ang coco levy fund at wala rin itong spesipikong aksyon pagdating sa agrarian reform.

Binanatan naman ni Alejano ang pagkukulang ni Duterte sa pamamahala ng national security sa bansa.

Aniya, nagdulot ng kalituhan sa Armed Forces of the Philippines ang biglang pagsandal natin sa China.

Binatikos niya rin ang pamamayagapag ng Maute sa Mindanao at ang pagbalewala ng administrasyon sa ruling ng arbitral tribunal sa usapin sa West Philippine Sea.

Martial law naman sa Mindanao ang kinastigo ni Hontiveros at iginiit na binabalewala nya ang demoksrasya.

Samantala, Sinabi naman ni Sen. Bam Aquino na Reform added collection o reform sa BIR ang kailangan sa halip na tax reform package na isinusulong ngayon.

Hindi naman nakadalo sa naturang forum ang pinakamataas na opisyal ng LP na si Vice President Leni Robredo.

Read more...