Hinamon ng militanteng grupong Gabriela si Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang ibasura ang end-of-contract (Endo) bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa July 24.
Sinabi ni Gabriela Secretary General Joms Salvador na dapat tuparin ng pangulo ang kanyang mga pangako partikular nasa mga manggagawa bilang tagapagtaguyod ng working force ng bansa.
Sa ngayon ayon sa Gabriela ay patuloy pa rin na umiiral ang “pakyawan” na karaniwang uri ng outsourcing ng trabaho ng ilang mga pabrika.
Sinasabing lugi sa ganoong uri ng sistema ang mga manggagawa dahil kadalasang sobra sa walong oras ang kanilang trabaho samantalang kakarampot lang naman ang kita.
Wala rin umanong kasiguruhan kung magtatagal sa ganoong uri ng sistema ang isang manggagawa sa mga ordinaryong pagawaan sa bansa.
Hanggang hindi naaalis ang Endo, sinabi ng Gabriela na patuloy na maghahari sa bansa ang mga tusong negosyante na nagpapahirap naman sa kalagayan ng mga ordinaryong manggagawa.