Pitong mga lungsod sa bansa ang pinaka-apektadong mga lugar sa patuloy na pagtaas ng tubig sa mga karagatan dulot ng climate change.
Sa ulat ng Asian Development Bank, kanilang sinabi na pagdating ng taong 2085 ay mas lalong lulubha ang problema sa pagbaha sa bansa.
Sa pag-aaral na ginawa ng Potsdam Institute for Climate Impact Research, kanilang sinabi na kabilang sa mga lalo pang lulubog sa tubig baha sa paglipas ng mga taon ay ang mga lungsod ng Maynila, Malabon, Taguig, Davao, Butuan, Iloilo at Caloocan.
Ayon pa sa pag-aaral ng Postdam Institute, sa taong 2085 ay aabot sa mahigit sa isang metro ang itataas ng tubig sa mga karagatan na siyang dahilan ng pagpasok nito sa mga mababang lugar sa bansa.
Sa ngayon ay kinakailangan na umano ang pag-aaral sa kung anong mga engineering interventions ang dapat gawin para kahit paano ay mabawasan ang epekto ng climate change sa bansa.