Sekyu, patay matapos agawan ng motor sa Makati City

Patay ang isang security guard matapos agawan ng motor at pagbabarilin sa Pasong Tamo cor. Arnaiz Ave., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Kinilala ang biktima na si Eddie Elayon mula sa Warbird Security Agency.

Nakita sa crime scene ang isang caliber .9mm na baril na posibleng service firearm ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Makati City Police, nakitang nakasuot ng helmet ang biktima, pero wala sa kanyang tabi ang sinakyang motorsiklo.

Hinala ng mga pulis, posibleng tinangay ng hindi pa nakikilalang suspect ang motorsiklo ng biktima, at nanlaban ito gamit ang kanyang baril dahilan para patayin ng suspek.

Ayon naman sa mga tauhan ng barangay, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril bago nadiskubre ang bangkay ng biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Read more...