Dating Pangulong Noynoy Aquino, pinakakasuhan na ng Ombudsman kaugnay sa Mamasapano tragedy
Ipinag-utos na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF).
Kasong Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 3(a) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019 ang ipinasasampang mga kaso laban kay Aquino.
Kasama ring pinasasampahan ng kaso sina dating Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima at Director Getulio Napeñas na dating pinuno ng SAF.
Ayon sa Ombudsman, alam ni Aquino na si Purisima ay nakasailalim noon sa suspensyon pero nagkaroon pa rin ito ng major role at partisipasyon sa Mamasapano encounter at malinaw na ebidensya ang palitan nila ng mensahe sa text ng dating pangulo.
Hindi umano dapat napayagan si Purisima na kumilos kaugnay sa Oplan Exodus habang siya ay suspendido bilang PNP chief kung hindi siya binigyan ng go signal o inutusan ni Aquino.
Ani Morales, ang sinomang public officer na nakasailalim sa preventive suspension ay binabawalan na gampanan ang kaniyang public functions at bawal ding manghimasok sa anomang aktibidad sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.