Anthony Taberna, nag-leave sa ABS-CBN sa gitna ng mga protesta kontra sa INC
Inanunsyo ni ABS-CBN journalist Anthony Taberna na pansamantala siyang mawawala sa kanyang mga programa sa radyo at telebisyon, sa gitna ng mainit na protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo o INC.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Taberna na magle-leave muna siya sa trabaho sa home network nito upang maiwasan ang anumang ‘conflict of interest’ sa pagbabalita.
Inamin ni Taberna na hindi niya mailalabas ang aniya’y ‘credible opinions’ sa kanyang mga programa hinggil sa mga isyung kinasasangkutan ng INC, lalo’t isa siyang kilalang miyembro ng religious group.
“Mga kapamilya, napakalungkot po na nagpapaalam po muna ako sa programa namin na Dos por Dos at Umagang Kay Ganda dahil sa mga kaganapan po ngayon. Ako po bilang aktibong miyembro ng Iglesia ni Cristo ay nasa isang sitwasyon na hindi maaaring maging credible sa pagtalakay sa isyung may kinalaman dito,” ani Taberna.
“Mayroon po akong paniniwalang pang-relihiyon at mayroon din naman akong tungkulin bilang mamamahayag, bagay na hindi po maaaring pagsamahin ngayon dahil sa tinatawag na conflict of interest,” dagdag ni Taberna.
Kinumpirma naman ni Taberna na pinayagan siya ng ABS-CBN News and Current Affairs management na mag-leave muna, hanggang sa humupa ang INC issue.
“Maraming salamat po sa inyong pang-unawa sa aking napakahirap na kalagayan sa ngayon. Sa mga hindi naman makakaunawa, nauunawaan ko po kayo,” dagdag nito.
Si Taberna at kanyang misis na si Roselle ay kapwa dumalo sa rally ng libo-libong INC members sa EDSA Shaw Boulevard ngayong araw.
Paglilinaw ni Taberna, hindi raw pinilit ang mga kapatid niya sa INC na dumalo sa rally, na partikular na inaalmahan ang umano’y pakikialam daw ni Justice Secretary Leila De Lima sa panloob na problema ng naturang Iglesia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.