Pagbabalik sa PNP ni Supt. Marcos umani ng batikos sa Kamara

Tahasang pagbalewala sa rule of law para kay Akbayan Rep. Tom Villarin ang pagpapabalik sa serbisyo kay P/Supt. Marvin Marcos.

Sinabi ni Villarin na ang ginawa ni Pangulong Duterte na pag-reinstate kay Marcos ay malinaw na manipestasyon ng impunity sa bansa.

Bukod dito, garapal din anya ang nasabing pasya dahil ang isang police official na sangkot sa isang highly publicized na kaso ng pagpatay ay ibinalik sa serbisyo.

Sinabi naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na ang hakbang ng pangulo ay malinaw na pagpapatawad ng gobyerno kina Marcos at ang mga kasama nito sa kanilang nagawang krimen.

Tinototoo lamang aniya ng Pangulo ang pangako nito na walang pulis ang makukulong dahil pagtupad sa kampanya kontra iligal na droga.

Si Marcos kasama ng kanyang mga tauhan ay nahaharap sa kasong pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa ay ibinalik sa puwesto ng pangulo at itinalaga bilang pinuno ng PNP CIDG sa Region 12.

Read more...