Hinimok ng Malakanyang ang mga Pilipino sa buong bansa na makibahagi sa paggunita ng National Heroes’ Day bukas, August 31, 2015.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., marapat na sama-samang alalahanin ang mga bayani na nagbuwis ng kani-kanilang buhay para ipaglaban ang ating bansa, at matamasa ang kalayaan. Dagdag ni Coloma na sana’y magsilbi pa rin ang mga bayani bilang inspirasyon ng mga Pilipino at susunod ng mga henerasyon.
Kinumpirma naman ni Coloma na pangungunahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang aniya’y simpleng wreath-laying ceremony at commemorative program sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City bukas.
Magsisimula ang aktibidad ng alas-otso ng umaga, at inaasahang dadaluhan ng mg opisyal at miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police; maging ng mga kasapi ng diplomatic corps, mga estudyante at mga miyembro ng Veterans Federation of the Philippines.
Ang full military honors ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine Army, Philippine Navy, at Philippine Air Force.
Samantala, pinaalalahanan ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ang mga employer at mga negosyante sa pribadong sektor hinggil sa ‘pay rules’ para sa mga manggagawa sa National Heroes’ Day bukas, August 31.
Sa ilalim ng pay rules, ang mga manggagawa na papasok sa regular holiday ay kailangang bayaran ng 200 percent ng kanyang regular na sahod sa naturang araw para sa unang walong oras.
Kapag hindi naman pumasok sa trabaho ang empleyado, makakatanggap pa rin siya ng 100 percent ng sahod sa naturang araw.
Sakaling lumagpas ng walong oras ang trabaho o overtime work, bukod sa 200 percent ay kailangang makakuha ang manggagawa ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate sa naturang araw.
Kung natapat naman sa rest day ng empleyado ang regular holiday, may additional 30 percent siyang matatanggap sa kanyang daily rate na 200 percent.
At kapag lumabis sa walong oras ang trabaho, at rest day pa ng empleyado ang regular holiday, dapat mabayaran siya para sa basic daily rate, 200 percent, 130 percent at isa pang 130 percent, bukod pa sa bilang ng oras ng overtime work.