Video ng pakikipaglaban at pagpatay ng Maute at ASG sa Marawi, inilabas sa media
Inilabas sa media ng Joint Task Force Marawi ang isang video na nagpapakita ng umano’y mga miyembro ng ISIS inspired na Maute terror group habang sila ay nakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan.
Ito ay matapos na madiskubre ng mga otoridad ang bangkay ng tinatayang anim na indibidwal sa lugar na pinaniniwalaang ginagawang execution sites ng Maute at Abu Sayyaf Group.
Ang tropa ng 51st Infantry Battalion ng Philippine Army ang nakadiskubre sa kumpol ng mga labi ng mga bangkay na na pinaniniwalaan nilang biktima ng pagpatay ng teroristang grupo.
Sa video na ibinigay ng Joint Task Force Marawi sa mga mamamahayag, makikita ang pakikipaglaban ng mga teroristang grupo at pagpatay nila sa anim na sibilyan.
Ang nasabing video ay kuha umano sa execution sites na napasok ng tropa ng pamahalaan.
May petsang June 12, 2017 ang video at may nakasulat na Amaq News Agency sa simula.
Ayon kay Lt. General Carlito Galvez, Commander ng Westerm Mindanao Command, ang brutal na pagpatay ng mga Maute at ASG member sa ilang sibilyan ay pagpapakita lamang ng kanilang pagiging Un-Islamic.
Dahil dito, sinabi ni Galvez na mas paiigtingin pa nila ang mga pagkilos para tuluyan nang mapalaya ang Marawi sa tanikala ng terorismo, sabay ang pagsasabing ang Islamic City of Marawi ay para sa mga kapatid nating Maranao at mga Pilipino.
Gagamitin aniya ng mga kawal ang lahat ng kanilang kapangyarihan para mapanagot sa batas at maparusahan ang mga barbarikong Gawain ng mga kalaban at pagsira sa Marawi City.
Kung idaragdag ang natuklasang anim na mga bangkay ay aabot na sa kabuuang 45 ang bilang ng mga labi na narerekober ng tropa ng pamahalaan.
Naniniwala rin ang opisyal na mas marami pang bihag na sibiliyan ang pinatay ng mga terorista lalo na at may ilang hindi sumusunod sa utos ng mga ito na pagnakawan ang mga bahay at patayin ang mga sundalo na nakikipag bakbakan sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.