Kasunod ng nalalapit na SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, doble kayod na ngayon ang Kamara para matapos ang mga isinasaayos na pasilidad.
Ayon kay House Sec. Gen. Cesar Pareja, sisikapin nilang matapos ang lahat ng ginagawa sa loob ng Batasan Complex pero posibleng suspindihin muna ang paggawa sa mga ito kung abutin pa ng SONA.
Ilan pa sa mga pinoproblema sa mismong SONA ay ang traffic, parking at ang mga bisita na hindi maa-accommodate.
Sinabi ng house official na 1,500 lamang ang sitting capacity sa loob ng plenaryo habang sa parking area naman ay nasa 500 lamang na mga sasakyan ang maaaring mag-park.
Sa kabila nito ay ginagawan na nila ng paraan para maisaayos ang anumang nakikitang problema bago magSONA sa July 24.
Kabilang sa mga ginagawa sa loob ng Batasan Complex ay ang parking building at repair ng mga banyo.
Samantala, nagsagawa na ng walk thru ng mga opisyal ng inter agency coordinating body sa mga dadaanan Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ulat sa bayan.
Pagbaba ng pangulo sa rear entrance ng kamara kung saan naroon ang helipad papasok siya diretso sa legislators lounge na dating Presidential Legislative Liason Office sa batasan kung saan ito maghihintay para sa joint session.
Dadadaan ang pangulo sa south side ng gusali ng kamara papasok ng main lobby ng session hall kung saan ito maglalakad patungo sa podium.