Nasa Pilipinas ang isang grupong inaakusahan ng Turkey bilang mga terorista at nagpasimula ng isang nabigong coup sa kanilang bansa.
Ang impormasyong ito ay galing mismo kay Turkish Ambassador Esra Cancour at kasalukuyan pang bineberika ayon kay Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office Chief Colonel Edgard Arevalo.
Ayon kay Cancour, ang teroristang grupo na kinilala bilang Fethullah Gulen Movement, ay mayroon ng mga kaanib sa 50 bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Anya, aktibo ang grupo sa pamamagitan ng pagbubukas ng tatlong eskwelahan na sinimulan nila noong 1997 sa Zamboanga, samantalang ang dalawa ay binuksan sa Maynila.
Sa isang panayam, sinabi rin ni Cancour na ang pagtatayo nila ng mga eskwelahan at paggawa ng mga charity works ay isang ‘mischaracterization’ at pagtatago lamang sa tunay nilang mga motibo.
Mariin naman itong itinanggi ng isa sa mga lider ng kilusan na si Cihangir Arslan at sinabing isa itong ‘political persecution’ ng pamahalaan ng Turkey laban sa kanila.