Suspek sa Bangkok bombing hawak na ng otoridad

 

Mula sa inquirer.net

Isang lalaking suspek sa pambobomba sa Erawan Shrine bomb attack sa sentro ng Bangkok Thailand noong August 17 ang hawak na ng mga otoridad.

Gayunman, ayon kay Deputy National Police Chief General Jaktip Chaijinda hindi pa malinaw kung ang nadakip ay ang lalakeng nakadilaw na nakita sa CCTV camera na nag-iwan ng bomba sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog.

Ang 28-anyos na lalake na may Turkish passport ay dinakip ng joint police at military officers sa Poon Anand Apartments sa Nong Chok District.

Batay sa pasaporte ng suspek, may alyas itong Adem Karadag at residente ng Istanbul, Turkey.

Una nang tumanggap ng tip ang pulisya mula sa landlord ng suspek matapos rentahan nito ang limang kuwarto sa paligid ng kanyang kwarto noong Hulyo.

Hindi rin umano nakapagsasalita ng Thai ang suspek.

Natagpuan sa apartment ng suspek ang malaking bulto ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng mga bomba.

Kabilang sa mga narekober ay mga ball bearings na kahalintulad sa mga ginamit bilang ‘projectile o shrapnel’ sa bomba na pinasabog sa tapat ng Erawan Shrine at sa bomba na inihagis sa Sathorn Pier.

Bukod dito, nakarekober din ng mga tubo na gawa sa bakal, fuse o mitsa at mga damit na may bahid ng explosive substance.

Matatandaang nasa 20 katao, karamihan mga turista ang nasawi samantalang marami pa ang nasugatan sa pagpapasabog sa Central Bangkok noong August 17.

 

 

Read more...